Tuloy-tuloy ang kampanya ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) laban sa mga kandidato na maagang nangangampanya.
Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, dapat nakikita ng mga botante kung paano sinasamantala ng mga kandidato ang butas ng ating batas.
At kapag mapagsamantala anya ang isang kandidato, siguradong babawiin nito ang mga nagastos niya sa kampanya at may kita pa sa sandaling maupo na sa puwesto.
Iginiit ni Caritos na dapat ibalik sa lumang depinisyon ang ibig sabihin ng kandidato na kung sino ang naghain ng certificate of candidacy ay kandidato na sa eleksyon at anuman ang kanilang gastusin sa kampanya kahit Oktubre pa lamang ay dapat isama na sa Statement of Contributions and Expenses (SOCE).
Pinuna ni Caritos na ang tanging batas na naipasa ng Kongreso na may kinalaman sa eleksyon sa loob ng naparami nang taon ay ang batas na nagtatapyas sa presyo ng political ads sa diyaryo, telebisyon at radyo.
—-