Baguio City – Natamo ng Baguio City Police Office o BCPO ang Gold Eagle Award kamakailan lamang. Ito ay matapos makakuha ng 96.3 per cent buhat sa Performance Government System o PGS evaluation team buhat sa Kampo Crame.
Sinabi ni Police Lt. Colonel Cherry Ann Olucan na ang nasabing parangal ay isa lamang na patunay na ang mamamayan ng lungsod ay kontento sa serbisyo na ibinibigay ng BCPO.
Sinabi naman ni Hepe ng BCPO na si Police Colonel Glenn Lonogan na hindi dyan lamang nagtatapos ang kanilang magandang serbisyo, gagawin nila itong parte na ng kanilang pang araw araw na buhay. Hiniling niya sa mga miyembro ng BCPO na ituloy nila ang maganda nilang serbisyo sa mga mamamayan ng lungsod ng Baguio.
Natanggap ng BCPO ang parangal sa pagdalo ni Lonogan gayon din ng mga miyembro ng City Advisory Group for Police Transformation and Development sa Multi-purpose Gym ng Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet. (Joel Cervantes, photo courtesy of BPCO)