2 OPAPP official sinibak sa pwesto ni Pangulong Duterte

0
149

Dalawang pang opisyal ng pamahalaan ang sinibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya sa Bohol-Panglao International Airport, inanunsyo ni Pangulong Duterte ang pagsibak kina Office of the Presidential Adviser for the Peace Process Undersecretary Ronald Flores at Assistant Secretary Yeshter Donn Baccay.

Kasabay ito ng kumpirmasyong kanya na ring tinanggap ang pagbiubitiw sa pwesto ni Presidential Adviser on Peace Process Jesus Dureza.

Gayunman, iginiit ng pangulo na hindi nasangkot sa anumang klase ng katiwalian si Dureza.

Kasabay nito, inanunsyo rin ni Pangulong Duterte na may isa pang opisyal ng pamahalaan ang kanya ring susunod na sisibakin sa pwesto.

“I am very sad that I accepted the resignation of resignation of Secretary Dureza. And, I fired this si Usec. Ronald Flores of OPAPP and Yeshter Donn Baccay. I’m still going to fire another one, let’s not talk about it tapos na tayo mag-usap. Well, in fairness to Secretary Dureza, wala man siyang ano maybe because he’s the head of office. I’m going to fire also an undersecretary. Ito yung malikot, malikot itong mga ito, either yung ginagamit mo o talagang loose cannon.” Pahayag ni Duterte.


Dureza kinumpirma ang resignation at pagsibak sa 2 OPAPP official

Kinumpirma ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Sa isang Facebook post, sinabi ni dureza na nagbitiw siya sa pwesto para bigyang daan si Pangulong Rodrigo Duterte na gawin ang kinakailangang re-organisasyon sa Office of the Presidential Adviser to the Peace Process (OPAPP).

Kasunod na rin ito ng pagkumpirma sa ginawang pagsibak ni Pangulong Duterte sa dalawang mataas na opisyal ng OPAPP.

Kasabay nito, humingi ng tawad si Dureza dahil sa aniya’y kabiguan niyang mapigilan ang katiwalian sa ahensya habang pinasalamatan naman ang pangulo sa pagkakataong ibinigay sa kanyang para makapaglingkod bilang Presidential Peace Adviser.

Nanawagan din si Dureza sa publiko na patuloy na suportahan si Pangulong Duterte sa mga adhikain nito para sa bansa.