Siyasat kay Albayalde dapat na ipagpatuloy

Siyasat kay Albayalde dapat na ipagpatuloy

by RPN News
0 comment 49 views

OO nga’t tila inabsuwelto na ni Presidente Duterte si Philip­pine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde sa usapin ng ninja cops. Pero hindi dapat mangahulugan ito na ipupuwera na ang PNP chief sa imbestigasyong dapat ga­win ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan. Ang Pangulo ay nagpahayag lang ng kanyang opinyon at hindi siya husgado para magpalabas ng promulgas­yon na hindi guilty si Albayalde.

Siyempre, may karapatan ang Hepe ng PNP na idepensa ang sarili at linisin ang Pangalan pero ito ay dapat pa ring idaan sa mga legal na proseso. I agree, hindi tayo dapat maging judgmental kay Albayalde. Puwedeng tama ang sinabi niya na “pinupulitika” lamang siya at pulos mali ang mga ipinaparatang sa kanya.

Ngunit ang sabi nga, “no one is above the law,” at kung ano ang pinagdaraanang proseso ng sino mang may kina­kaharap na asunto ay dapat din niyang daanin. Kunsabagay, magreretiro na sa papasok na buwan si Albayalde at komo malapit siya sa puso ng Pangulo, gusto nang huli na makapagretiro nang maayos ang PNP chief at hindi mawala ang mga benepisyong nakalaan para dito.

Subalit hindi dahilan iyan para bigyan si Albayalde ng exemption at huwag nang dumaan sa proseso ng hustisya.  Kung mapatunayang wala siyang kinalaman sa issue ng shabu recycling, bigyan siya ng honorable retirement with all the accruing benefits of a retiring government official. Kung mapapatunayang nagkasala, parusahan siya nang naaayon sa batas.

Ang naging problema lang, tila nga biktima si Alba­yalde ng trial by publicity, bagay na hindi maiiwasan sa ganito kadambuhalang usapin na may kinalaman sa bawal na droga. Ito ay isang pambansang isyu at kung hindi bibigyan ng prominensya ng media ay maaakusahan itong pabaya sa sinumpaang tungkulin.

Kaya ang pinakamagandang paraan para linisin ang pangalan niya ay tanggapin ni Albayalde ang kasong isasampa sa kanya at sa Ombudsman na o Sandiganbayan na niya patunayan na wala siyang kasalanan. Ngunit ang sabihin niyang “mag-move on” na sa issue porke inabsuwelto na siya ng Pangulo ay hindi katanggap-tanggap.

Lahat ng mga inakusahan, may basehan man o wala ang akusasyon ay dumaan sa due process of law kaya walang dahilan para hindi siya dumaan sa prosesong ito na itinatadhana ng batas.

0 comment

Related Posts