ZAMBOANGA: WALANG TIGIL NA KAMPANYA SA KALINISAN SA PAMILIHAN NG ZAMBOANGA CITY

0
0

Pinangunahan ni City Administrator Percival Ramos ang isa na namang operasyon sa paglilinis sa pangunahing pampublikong pamilihan noong Huwebes, Hulyo 9, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ni Mayor Khymer Olaso para mapanatiling malinis at maayos ang lugar. Saklaw din ng operasyon sa paglilinis at pagpapatupad ng ordinansa ang J. S. Alano Street at iba pang kalapit na kalsadang patungo sa pangunahing pampublikong pamilihan.

Ito ay pinagtulungang isinagawa ng City Administrator’s Office, administrasyon ng Main Public Market, Office of the City Environment and Natural Resources (OCENR), at Task Force Ordinance. Noong Miyerkules, Hulyo 8, nagsagawa rin ng magkatuwang na operasyon ang isang grupo mula sa Zamboanga City Electric Cooperative (ZAMCELCO) at mga tauhan ng City Administrator’s Office laban sa mga ilegal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente sa loob ng pamilihan, upang matugunan ang mga panganib na may kauugnayan sa sunog at kuryente.

Nangako si Mayor Olaso na patuloy na paiigtingin ang mga pagsisikap sa paglilinis na, ayon sa kanya, ay may mahalagang papel sa pagpapanatil ng malinis at kaaya-ayang kapaligiran para

sa mga tindero at mga mamimili. Kamakailan lamang, iniutos ng Alkalde ang paglilipat ng operasyon ng night market mula sa J.S. Alano Street patungo sa lugar ng MRF sa Magay para sa kaligtasan ng publiko at pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.

Dumalo sa mga operasyon sina Assistant City Administrator for Operations and Economic Enterprise Christian Olasiman, OCENR Head Gerry Pollisco, mga Executive Assistant na sina Randy Bancairin at Eddie Saavedra, at Market OIC Superintendent Roy Lorena. (Algie Rojas)

Source: City Government of Zamboanga.

Leave a Reply