Sumailalim sa isang seminar workshop noong Sabado, Agosto uno ang mga fashion designer, mga propesyonal sa larangan, at mga estudyante ng disenyo bilang paghahanda sa inaabangang Mascota de Zamboanga Competition isang tampok na kaganapan sa taunang Zamboanga Hermosa Festival tuwing Oktubre.
Ang aktibidad na tumagal ng kalahating araw ay inorganisa ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Tourisim Office, katuwang ang Fashion Designers Association of Zamboanga (FDAZ) sa pamumuno ni Federico Navarro. Kabilang sa programa ang oryentasyon at teknikal na pagpapaliwanag tungkol sa mga alituntunin ng kompetisyon, pamantayan sa pagpili at paghuhusga, mga tuntunin sa pag-post sa media, publisidad, copyright, at pagmamay-ari ng mga kalahok.
Sumailalim din ang mga kalahok sa pagbabalik-aral sa tradisyon ng kompetisyon, kung saan tinalakay ang anim na mahahalagang elemento ng iconic na Mascota: ang Rengue, Candongga, Sobrefalda, Saya con Cola, Corpiño, at Enaguas.
Nakatuon ang pagtitipon sa pangunahing layunin ng pamahalaang lungsod na itaguyod at panatilihin ang mayamang kultura at tradisyon ng Zamboanga, Pati na rin sa dedikasyon nitong ipagdiwang ang lokal na pamana, pasiglahin ang pagkamalikhahin, at pagyabungin ang pagmamalaki sa kultura. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
