ZAMBOANGA: IDINEKLARA NG ZAMBOANGA CITY ANG DENGUE EPIDEMIC MATAPOS ANG 12 PAGKAMATAY

0
6

Nagdeklara ng dengue epidemic sa Zamboanga City matapos umakyat sa 1, 241 ang bilang ng mga kaso, kung saan natukoy ang malawakang pagkalat sa 39 na barangay at naitala ang 12 pagkamatay isang bilang na higit sa 500% na mas mataas kumpara sa naitala sa unang buwan ng nakaraang taon.

Sa isang press conference noong Martes ng Hapon sa City Hall, Binanggit ni Mayor Khymer Olaso ang mga datos mula sa City Health Office. Sinabi niyang 39 sa 98 barangay sa lungsod ang nakitaan ng mga bagong kumpol ng kaso kung saan ang Calarian, Sta. Maria, Talon-Talon, Ayala, at Putik ang may pinakamalalaking kumpol sa loob ng apat na linggo (mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 27, 2026).

Sinabi ni City Health Officer Dr. Dulce Miravite na nalampasan na ng hanggang 12 beses ang “entomological threshold” o limitasyon sa kaligtasan, na nagpapatunay na ang kapaligiran ay paborable sa patuloy at mas matinding pagkalat ng sakit sa lungsod.

Noong Lunes ng Hapon, nagpulong ang City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng dengue at inaprubahan ang isang resolusyon na nagrerekomenda sa pagdedeklara ng dengue epidemic sa lungsod. Huling nakaranas ng dengue epidemic ang Zamboanga City noong 2022.

Binigyang-diin ni Dr. Ivy Rosette Ituralde, Pinuno ng CHO Epidemiology Unit, na dumaranas ang lungsod ng dengue dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng mga kaso sa loob ng limang magkakasunod na linggo na nasa antas ng epidemya (hanggang sa morbidity week 29); malawakang pagkalat dahil sa mga kumpol ng kaso sa 39 na barangay; mataas na antas ng pag-aalala sa kalusugan; at mga kondisyong paborable sa pagdami ng mga lamok na nagdadala ng sakit.

Nananawagan si Mayor Olaso para sa mas pinaigting na kampanya sa kalinisan at sanitasyon sa lahat ng 98 barangay sa lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng dengue.

Inirerekomenda ng mga opisyal ng kalusugan ang estratehiyang “5-S” isang planong nakatuon sa komunidad upang pigilan ang pagkalat ng dengue. Kabilang dito ang *Search and destroy*, (paghahanap at pagsira sa mga pinamumugaran ng lamok), * Self-protection* (pagprotekta sa sarili), *Serk early consultation* (pagkonsulta nang maaga), *Support fogging/ spraying* (pagsuporta sa fogging o pag spray), at * Sustain hydration* (pagpapanatili ng sapat na tubig sa katawan).

Nagdudulot ang dengue ng mga sintomas na katulad ng trangkaso, kabilang ang matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, lagnat, at pantal sa buong katawan. (Algie Rojas)

Source: City Government of Zamboanga.

Leave a Reply