ZAMBOANGA: NAGLAGAY ANG CITY HALL NG MGA ELECTRIC VEHICLE (EV) CHARGING STATION NA MAAARING GAMITIN NG PUBLIKO NANG LIBRE

0
3

Bilang bahagi ng pangako ni Mayor Khymer Olaso sa malinis na enerhiya at mas luntiang kinabukasan, naglagay ang pamahalaang lungsod ng tatlong (3) electric vehicle charging station sa bakuran ng City Hall para sa libreng paggamit ng publiko.

Sinabi ni City Administrator Percival Ramos, na siyang nangangasiwa sa pagkakabit ng mga pasilidad, na napapanahon ang hakbang na ito habang lumilipat ang pamahalaang lungsod sa sistemang “sustainable mobility” o transportasyong hindi nakapipinsala sa kapaligiran, kasabay ng inaasahang pagdating ng tatlong (3) yunit ng electric pick-up.

Matatandaang sa paglulunsad ng isang libreng EV charging station sa SM-City Zamboanga noong Hulyo 21, inanunsyo ni Mayor Olaso na isinusulong ng lungsod ang “green transportation” sa pamamagitan ng pagbili ng mga EV para sa isang pilot run o pagsubok upang makita ang matitipid sa gasolina at ang bisa nito para sa kapaligiran.

Sa kabuuang tatlong (3) EV charging station na inilagay, dalawa ang nakalaan para sa publiko at matatagpuan sa harapan ng City Hall, habang ang isa naman ay nasa loob ng bakuran ng City Hall at nakalaan para sa mga electric vehicle na pag-aari ng lungsod. (Algie Rojas)

Source: City Government of Zamboanga.

Leave a Reply