ZAMBOANGA: MGA ISTASYON NG PULISYA SA BALIWASAN AT STA. CATALINA, NAI-AKTIBO NA

0
6

Pormal na nai-aktibo noong Martes, Agosto 4, ang Police Station 13 sa Barangay Baliwasan at Police Station 14 sa Barangay Sta. Catalina. Layunin nito na palawakin ang saklaw ng operasyon ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) at patatagin ang serbisyo sa pagpapatupad ng batas sa lungsod.

Isinagawa ang pag-aaktibo matapos aprubahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagbabago sa klasipikasyon ng istasyon ng pulisya sa Zamboanga City mula sa Class B patunggong Class A, na nagbibigay-daan sa pagtatatag ng mga karagdagang istasyon upang mapabuti ang kaligtasan ng publiko.

Pinangunahan ni Mayor Khymer Olaso ang seremonya ng pag-aaktibo kasama sina Police Regional Director PBGen. Dennis Esguerra, ZCPO Director PCol. Fidel Fortaleza Jr., at iba pang opisyal nh pulisya, matapos ang pagbabasbas na pinangasiwaan ni Fr. Leh Talib.

Pamumunuan ni PMaj. Ariel Cabanlong ang Police Station 13, na ang sakop na lugar ay kinabibilangan ng mga Barangay ng Baliwasan, Campo Islam, San Jose Cawa-Cawa, at San Jose Gusu.

Ang Police Station 14 naman ay pamumunuan ni Pmaj. John Renz Manriquez, na siyang mangangasiwa sa mga operasyon ng pulisya sa mga Barangay ng Sta. Catalina, Sta. Barbara, Rio Hondo, Mariki, at Zone 4.

Nagpapasalamat si Mayor Olaso kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. at sa NAPOLCOM sa pag-angat ng klasipikasyon ng istasyon sa lungsod. Inanunsyo rin niya ang plano para sa pagtatatag ng isa pang istasyon ng pilisya sa Sacol Island upang lalong mapalawak ang serbisyo ng pulisya sa mga komunidad sa isla.

Bukod dito, nag-abot ang mga opisyal ng pulisya ng token of appreciation sa lokal na punong ehekutibo bilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng pamahalaang lungsod sa Philippine National Police. (Algie Rojas)

Source: City Government of Zamboanga.

Leave a Reply