Humigit-Kumulang 50 kawani ng pamahalaang lungsod kabilang ang mga matataas na opisyal tulad ng mga pinuno ng dibisyon, at mga administrative officer ang sumailalim sa dalawang-araw na seminar na pinamagatang “Strengthening Human Resource Systems Toward PRIME-HRM Level lll Recognition – Performance Management (PM).”
Ang aktibidad, na inorganisa ng City Human Resource Management Office (CHRMO), ay ginanap noong Hulyo 29-30, 2026 sa isang lokal na hotel. Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng mga kawani ng lungsod tungkol sa mga prinsipyo, proseso, at kagamitan ng sistema ng pamamahala ng pagganap (performance management system) ng pamahalaan. Hangad din nitong patatagin at iayon ang mga indibidwal na pangako sa pagganap (individual performance commitments) sa Office Performance Commitment and Review (OPCR) at sa mga estratehikong layunin ng pamahalaang lungsod, upang matiyak na ang bawat kawani ay makapag-aambag nang makabuluhan sa pagkamit ng mga layunin ng organisasyon.
Nagsilbing mga resource speaker sa aktibidad sina Assistant City Planning and Development Coordinator Enp. Jessie Christopher Lapinid at Information Technology Officer lll Alan Aizon.
Pinuri ni Mayor Khymer Olaso na kinatawan ni Executive Assistant Junty Castillo ang CHRMO sa patuloy nitong mga inisyatiba sa pagsasanay. Binigyang-diin niya na ang pagtitipon ay hindi lamang para matuto tungkol sa mga polisiya at pamamaraan, “kundi upang muling pagtibayin ang ating pangako sa kahusayan sa serbisyo publiko.” (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
