Pinapurihan ni Mayor Khymer Olaso ang Task Force Zamboanga sa pangunguna ni Acting Commander Col. Manaros Boransing ll, sa walang tigil na pagsisikap nito sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa lungsod, sa kanyang pagkikiisa sa ceremonial turnover ng walong (8) boluntaryong sumuko ng mga loose firearms sa City Hall Conference room noong Biyernes ng umaga Hunyo 26.
Ang mga baril, na kinabibilangan ng 12-guage shotgun, 30-caliber bolt-action rifles, isang .30 saginaw rifle, at .357 magnum revolver, ay pormal na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod bilang bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na bawasan ang paglaganap ng loose firearms at palakasin ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod. Itinampok sa inisyatiba ang matibay na pagtutulungan at lumalagong tiwala ng mga lokal na komunidad, ng Armed Forces of the Philippines, at ng Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga sa pagbuo ng mas ligtas at mas mapayapang kapaligiran para sa lahat ng Zamboangueño.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Olaso: “Sa pamamagitan ng iyong dedikasyon, pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad, pinalakas mo ang tiwala ng publiko at ipinakita na ang pangmatagalang kapayapaan ay nakakamit sa pamamagitan ng pagkakaisa at magkabahaging responsibilidad.” Ang ceremonial turnover ay pinangasiwaan ng TFZ Executive Officer at East Coast Task Unit sa pangunguna ni LtCol. Brendo C. Maglasang, INF (GSC) PA. Kinilala rin ng Alcalde ang anti-crime efforts ng Zamboanga City Police Office sa Pamumuno ni Col. Fidel Fortaleza Jr.
Ang bawat indibidwal na sumuko ng kanilang mga baril ay binigyan ng isang sako ng bigas, at isang grocery pack ng pamahalaang lungsod at cash assistance na personal na ibinahagi ni Mayor Olaso. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
