‘War on drugs’ malaki na ang ipinagbago sa nagdaang isang taon—PNP

0
42

Napakalaki ng ipinagbago ng giyera kontra droga ng pamahalaan sa nagdaang isang taon.

Ayon kay Chief Supt. Benigno Durana, spokesman ng PNP, sa unang anim na buwan ng 2017, umaabot sa 109 kada linggo ang pangkaraniwang bilang ng namamatay sa giyera kontra droga ng gobyerno.

Gayunman, pagpasok aniya ng unang anim na buwan ng 2018, nakakapagtala na lamang sila ng 69 na pangkalahatang bilang ng namamatay kada linggo at bumaba pa ng 29 na lamang kada linggo nitong Oktubre.

Sinabi ni Durana na mas naging transparent na rin ang kanilang anti-drugs operations mula nang masawi si Kian delos Reyes dahil may video cam na ang PNP operatives maliban pa sa mga miyembro ng media na kanilang iniimbitahan.

Mahigpit aniya ang tagubilin sa kanila ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na bagamat dapat paigtingin ang kampanya kontra droga, dapat tiyaking naipapatupad ito nang naaayon sa batas at pagrespeto sa karapatang pantao.