Wala munang misa —Manila Auxiliary Bishop

0
37

Suspendido muna ang pagdaraos ng Simbahang Katolika ng misa.

Sa dalawang pahinang apostolic letter ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, sinabi nitong pansamantala munang sususpendihin ng Archdiocese ng Maynila ang misa sa lahat ng simbahang sakop nito hanggang ika-20 ng Marso.

Kabilang sa mga simbahang sakop ng Archdiocese of Manila ang lungsod ng Maynila, San Juan, Mandaluyong, Makati, at Pasay.

Suspendido rin naman ang misa sa Diocese ng Antipolo, ilang bahagi ng Pasig City, at timog na bahagi ng lungsod ng Quezon.

Sinabi ni Pabillo, ito ay bilang pagsunod na rin sa naging kautusan ng Pangulong Rodrigo duterte kung saan ipinagbabawal muna ang malakihang pagtitipon.

Kasabay nito, suspendido rin naman ang kumpisalang bayan para sa nalalapit na Mahal na Araw.

Sa abiso naman ng pamunuan ng Quiapo Church, pinahinto na muna nila ang pahalik sa Itim na Nazareno.

Kaugnay nito, hinimok naman ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Pilipinong mananampalataya na manalangin, at manatiling kalmado sa gitna ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) pandemic.