Usapin ng seguridad ang dahilan ng hindi pagtuloy sa PH ng 3 NDFP consultants — Sison

0
43

Usapin ng seguridad ang dahilan sa hindi pagtuloy nina National Democratic Front of Philippines (NDFP) negotiating panel chairman Fidel Agcaoili, senior adviser Luis Jalandoni at Coni Ledesma na umuwi ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni NDFP chief political consultant at CPP founding chairman Joma Sison matapos aniyang pagbantaan ang mga itong aarestuhin ng mga pulis at militar pagdating sa bansa.

Dagdag ni Sison, hindi rin aniya nagpakita ng interes si Pangulong Rodrigo Duterte sa muling pagbabalik ng usapang pangkapayaan gayundin ang pagtitiyak sa kaligtasan ng tatlong NDFP consultants.

Ibinabala rin aniya ng mga abogado ng NDFP ang posibleng paghahain ng court summon sa tatlong kaalinsabay ng Proclamation 374 ng pangulo na nagdedeklara sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang terorista.

Dagdag pa ni Sison, balak aniya ng administrasyon Duterte ang magdeklara ng martial law sa buong bansa, magtatag ng isang fascist dictatorship para makontrol ang resulta ng 2019 elections at itulak ang charter change para sa isang pekeng federalismo.