US forces mananatili pa din sa bansa

0
46

Mananatili pa rin naman sa bansa ang puwersa militar ng Estados Unidos.

Ito’y ayon kay retired Professor Clarita Carlos, isang political at military analyst matapos na tuluyang ibasura ng Pilipinas ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng bansa at ng Amerika.

Sinabi ni Carlos, hindi ibig sabihing kumalas na ang Pilipinas sa naturang kasunduan ay lilisanin na rin ng US forces ang bansa gayong napakarami pa rin namang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa na nagpapahintulot sa US forces para manatili sa Pilipinas.

Aniya hindi naman kasi kailangan ng Estados Unidos ang VFA para sa maritime piracies, small-arms smuggling at counter-terrorism.

Paliwanag nito, ang mawawala aniya sa pagbasura ng Pilipinas sa VFA ay ang ‘legal framework’ ng Mutual Defense Treaty (MDT).

Dahil dito umapela si Carlos sa pamahalaan na pag-aralan din ang nilalaman ng MDT.

Taong 1951 nang lagdaan ng Amerika at Pilipinas ang MDT, kung saan sa ilalim nito nagkasundo ang dalawang bansa na magtulungan sa oras na magkaroon ng armadong pag-atake sa alinman sa dalawang bansa.