Patuloy na tumataas ang bilang ng mga pasahero ng Diamond Princess cruise ship na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Japan.
Batay sa pinakahuling ulat, nadagdagan pa ng 39 katao ang bilang nang nagpositibo sa COVID-19, kung saan sumampa na sa kabuuang 175 katao ang nagpositibo sa virus.
Sa nabanggit na bilang, lima sa mga ito ang tripulanteng Pinoy.
Batay sa pahayag ng Japanese Health Ministry, aabot sa kabuuang 3,700 katao ang lulan ng barko kung saan 1,100 sa mga ito ang crew members.
Sa naturang bilang, 538 sa mga ito ang mga Filipino; pito rito ang guest passengers habang ang iba naman ay crew members na ng barko.
Sa ngayon, nananatiling naka-quarantine ang cruise ship upang mapigilan ang pagkalat ng virus.