Umiiral na ‘Tara’ system sa BOC isiniwalat

0
48

Isiniwalat ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na umiiral pa rin ang “tara” system, sa Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Lacson, lubha niyang ikinadismaya na hindi pa rin natitigil ang katiwalian sa hanay ng Customs, sa halip ay mas lalo pa itong lumala.

Aniya, kaniyang napag-alaman na nanatili pa ring “business as usual” sa ilang opisyal ng Customs ang tara o padulas para sa pag-papalusot ng kargamento.

Paliwanag nito, sa Office of the Commissioner (OCOM), ay aabot sa P5,000 kada container, at karagdagang 10 porsyento ng koleksiyon ang nakokolektang tara.

P3,000 naman sa Intelligence Group, at Risk Management Office, habang nasa P2,000 naman sa import and assessment service.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Lacson na nasa P3,000 kada container naman ang natatanggap ng district offices ng Manila International Container Port (MICP).

Samantala, kumpiyansa pa rin naman si Lacson na hindi kabilang si BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa mga korap na opisyal, ngunit hinamon ito ni lacson, na linisin ang kaniyang hanay.

—–