Truck holiday kasado na sa Lunes

0
53

Kasado sa lunes, Nobyembre 19 ang truck holiday ng isang grupo ng mga truckers na nag ooperate sa mga pier sa Metro Manila.

Ayon sa grupong Inland Haulers and Truckers Association, pansamantala silang titigil sa pagkakarga papunta at paalis sa mga pantalan upang iprotesta ang pag iipon umano ng mga container na walang laman sa loob ng mga panatalan at pressure mula sa ahensya para palitan ang mga lumang truck kahit maayos pa itong tumakbo.

Nagbabala pa ang grupo na kung ipipilit ito ng ahensya ay posibleng maulit ang port congestion noong 2014.

Nagpahayag naman ng pangamba ang mga supermarket owners sa posibleng maging epekto ng ilalargang truck holiday ng grupo ng mga truck drivers at operators.

Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarket Associations President Steven Cua, tiyak na magkaka problema sa supply ang kanilang mga distributor kapag itinuloy ang tigil – biyahe.

Maari aniyang magresulta ito ng pagtaas ng presyo lalo pa’t nalalapit ang holiday season kung saan tumataas pa ang demand ng ilang produkto.


Minaliit ng DOTr o Department of Transportation ang bantang truck holiday ng isang grupo ng mga truckers.

Ayon sa DOTr, maliit lamang ang grupo kaya’t posibleng hindi rin gaanong mararamdaman ang epekto ng gagawing protesta.

Una nang pumalag ang grupong Inland Haulers and Truckers sa pag pi-phase out sa mga lumang trak.

Ipinaliwanag naman ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB na pansamantala pa ring pinapayagan na makapag byahe ang truck na may edad 15 taon pataas basta pasado sa road worthiness inspection.