Stable na presyo at supply ng mga bottled water tiniyak ng DTI

0
57

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi tataas ang presyo at hindi magkukulang ang suplay ng bottled waters, sa gitna ng nararanasang water shortage sa bansa.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nakipagpulong na sila sa Beverage Industry Association of the Philippines (BIAP) upang talakayin ang presyo ng mga bottled water.

Aniya, tiniyak ng BIAP na walang mangyayaring paggalaw sa presyo ng mga bottled water sa kabila ng umiiral na kakapusan ng tubig sa bansa.

Samantala, sinabi rin ni Castelo na patuloy na nakatatanggap ang DTI ng ulat hinggil sa mga pananamantala ng ilang retailers sa water shortage kung saan ibinebenta ng mas mahal ang mga imbakan ng tubig, kagaya ng drum, timba at tabo.

Dahil dito, nag-desisyon ang kagawaran na isama ang mga nasabing kagamitan sa kanilang monitoring at enforcement activities upang matiyak na protektado ang interest ng mga konsyumer.

—-