SRP at angkop na labeling sa bigas epektibo na ngayong araw

0
45

Pormal nang inilunsad ng pamahalaan ang tama at angkop na labeling gayundin ang pagtatakda ng SRP o Suggested Retail Price sa mga murang bigas sa pamilihan.

Pinangunahan nila DTI o Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez at Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang soft launch sa Commonwealth Market sa Quezon City.

Makikita sa naturang pamilihan ang napakalaking tarpaulin kung saan nakapaskil ang mga tamang pangalan at ang presyo ng bigas na pasok sa pamantayan ng gobyerno.

Pagdating naman sa mga bigasan, color coded ang mga karatula kung saan nakalagay ang presyo nito depende sa klase ng bigas na bibilhin.

Kulay puti para sa mga well milled rice na nasa 39 at 44 na piso ang kada kilo.

Kulay dilaw naman para sa mga premium rice na nasa 40, 43 at 47 pesos ang presyo sa kada kilo.

Habang wala namang itinakdang SRP sa mga tinatawag na special rice na kulay asul naman ang karatula.

Maliban sa Metro Manila, sabay sabay ding nagsagawa ng programa ang dalawang kagawaran sa mga pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa.


Papatawan na ng parusa ang mga lalabag sa ipinapatupad na SRP sa bigas

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, simula Nobyembre 9 ay mahaharap ang sino mang hindi susunod sa SRP sa pagkakulong mula apat na buwan hanggang apat na taon.

Nahaharap din sa multang 2,000 hanggang sa isang milyong piso ang mga lalabag at tatanggalin din ang lisensya para hindi na makapagbenta ng NFA rice.

Aniya, regular na mag iikot sa mga pamilihan ang mga tauhan ng NFA, Department of Agriculture katuwang ang Philippine National Police para tiyaking nasusunod ang itinakdang SRP sa bigas.