Isang buwang pagsasara ng Boracay kada taon pinag aaralang ipatupad

0
55

Pinag aaralan ng pamahalaan na isara sa loob ng isang buwan kada taon ang isla ng Boracay.

Kasunod ito ng muling pagbubukas ng isla sa mga lokal at dayuhang turista kahapon matapos ang anim na buwang rehabilitasyon.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ito ay magsisilbing healing period o panahon para i-rehabilitate ng isla ang kanyang sarili.

Posible aniyang itapat ito sa panahon ng habagat o yung panahon ng tag ulan.


Suportado naman ng mga business owner sa Boracay ang panukalang isang buwang pagsasara ng isla kada taon para bigyang daan ang self healing nito.

Sinabi ni Complaint Association of Boracay President Fiona Molina, naniniwala silang kailangan ng isla ang mapahinga mula sa libo – libong mga turistang dumadalaw dito.

Ngunit iginiit ni Molina na kailangan maging malinaw kung by phase ang gagawing pagsasara o total shut down.

Humirit pa si Molina na sa halip na isang buwan ay gawin na lamang ang self healing ng isla sa loob ng dalawang linggo kada taon.

Posibleng sa Disyembre ay isang daang porsyento nang natatapos ang first phase ng rehabilitasyon ng isla ng Boracay.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sa ngayon ay 80 porsyento na nagagawang rehabilitasyon sa mga kalsada at pangunahing daan sa buong isla.

Aniya, gumastos ng 490 million pesos ang gobyerno sa ginawang mga kalsada, drainage at iba pang mga konstruksyon sa isla.