Sister Patricia Fox tuluyan nang nakaalis ng Pilipinas

0
47

Tuluyan nang nakaalis ng bansa ang kontrobersyal na Australian missionary na si Sister Patricia Fox matapos ang expiration ng kanyang missionary visa.

Bumiyahe kagabi si Sister Pat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, lulan ng PAL Flight PR 209 patungong Melbourne, Australia.

Bago nito, isang press conference at misa sa Saint Joseph Collega sa Quezon City ang isinagawa.

Ayon kay Sister Pat, kung magkakaroon ng pagkakataon ay babalik siya ng Pilipinas at ipagpapatuloy ang laban ng mga mahihirap na Filipino kahit nasa Australia.

Magugunita noong isang linggo ay tuluyang ipinadeport ng Bureau of Immigration ang dayuhan matapos ang halos tatlong dekadang pananatili sa bansa.


Palasyo nagpaabot ng pasasalamat kay Fox

Nagpaabot ng pasasalamat ang Malakaniyang kay Sister Patricia Fox sa lahat ng mga nagawa nito para sa Pilipinas.

Iyan ang inihayag ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo makaraang umalis na sa bansa si Sister Fox pabalik ng Australia matapos namang kanselahin ng Bureau of Immigration ang kaniyang missionary visa.

Gayunman, sinabi ni Panelo na magsilbing babala sa iba pang mga dayuhang nasa Pilipinas ang sinapit ni Sister Fox na lumabag sa mga batas bunsod na rin ng pakikisawsaw nito sa mga usaping panloob ng bansa.

Nanindigan pa si Panelo na dumaan sa due process si Sister Fox at binigyan din ito ng pagkakataon na mailahad ang kaniyang panig subalit malinaw naman aniya sa naging pasya ng immigration ang naging paglabag nito.

Ang pakikilahok aniya sa mga kilos protesta ng mga dayuhang nasa pilipinas ay malinaw na paglabag sa batas na siyang magiging daan para kanselahin ang kanilang visa batay na rin sa kautusang inilabas din mismo ni dating DOJ Secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima.