Simbahang Katolika handang tumulong sa drug rehabilitation project ng pamahalaan

0
15

Handa si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) vice president at Caloocan bishop Pablo Virgilio David na tumulong sa drug rehabilitation project ng pamahalaan.

Ito ang naging pagtitiyak ng Obispo, na kilala ring kritiko ng war on drugs campaign ng pamahalaan, matapos tanggapin ni Vice President Leni Robredo ang posisyon bilang Co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD)  noon lamang nakaraang linggo.

Ayon kay David, bagamat matagal na dapat binigyan ng pansin ng pamahalaan ang mga drug rehabilitation projects ay hindi pa naman huli ang lahat para dito.

Aniya, ang drug addiction kasi ay isang medical issue na dapat pagtuunan ng pansin.

Dagdag pa nito, handa rin ang CBCP na tumulong sa mga Local Government Unit hinggil sa mga gastusin para sa naturang proyekto kung handa ito na makipag-tulungan sa kanila.

Una rito, umapela rin ang obispo sa Department of Health (DOH) para tutukan ang substance abuse sa buong bansa.