Tiniyak ni Senate Panfilo Lacson na hindi nila nakakaligtaan ang kanilang oversight function upang matiyak na nagagamit ng tama ang pondo ng gobyerno sa pagtugon sa pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa senador, kahit hindi sila sabihan ni Pangulong Duterte, ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin na bantayan at busisiin ang pondong ginagastos sa pandemya.
Patunay anya ay ang ginawa nilang pag-convene sa Committee of the Whole kung saan kanilang inimbestigahan ang talamak na katiwalian sa paggamit sa multi-bilyong pisong pondo ng PhilHealth.
Dagdag pa ni Lacson, ang oversight ay isang inhereng function ng Kongreso bagay na kanilang ginagampanan at hindi pinapabayaan.
Matatandaang, nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso na i-check ang bawat disbursement sa COVID-19 funds sa pamamagitan ng pagbuo ng oversight body. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)