Pagsasampa ng kaso sa ilang ex-gov’t officials kaugnay sa PhilHealth anomaly inirekumenda ng Senate Blue Ribbon Committee

0
26

Inirekumenda ng Senate Blue Ribbon Committee na ipag-harap ng kasong technical malversation at illegal use of public funds sina dating Health Secretary Janeth Garin, dating Budget Secreteary Butch Abad at dating PhilHealth President and Chief Executive Officer Alexander Padilla.

Batay sa draft committee report na inakda ni Blue Ribbon Committee Chairman  Senator  Richard Gordon, ang  mga kaso ay may ugnayan sa umano’y ilegal na paglilihis nina Garin, Aabad at Padilla ng P10.6 billion na pondo ng PhilHealth na para sana sa premium sa PhilHealth ng mga senior citizen.

Matatandaang noong 2015, habang Health Secretary si Garin, at Chairman ng board ng PhilHealth na pinamumunuan noon ni Padilla, inilabas umano ang nasabing P10.6 billion at ginamit sa project ng Department of Health na pagpapagawa ng mga barangay health station, school-based tsekap barangay health stations.

Dapat daw iyong ipagpatayo ng 3,200 na barangay health stations sa Phase 1 pero 270 lang ang natapos batay sa Court of Appeals ruling nitong July 20, 2020 pero dahil nakitaan daw ng iregularidad, pinagsauli ng Court of Appeals ang kontratista ng nasa P668.5 million.

Sa phase 2 naman ng proyekto, ay dapat may ipagawang 2,500 na barangay health stations pero 12 lang ang natapos batay sa report ng COA.

Ayon kay Gordon, ginamit ang proyekto at ang nakuha ritong pondo sa 2016 elections.

Ang ginawa raw nina Garin ay technical malversation, illegal use of public funds or property at paglabag sa code of conduct and ethical standards for public officials and employees. —ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19)