Sara Duterte itinangging may kinalaman siya sa text message sa isyu ng House speakership

0
54

Itinanggi ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kinalaman sa ipinadalang text message sa mga kongresistang bumoto sa speakership nang ayon sa kanilang konsensya.

Sa gitna na rin ito nang pag endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Taguig Congressman Alan Peter Cayetano bilang lider ng Kamara.

Hinamon din ng presidential daughter si Anak Kalusugan Party List Representative Mike Defensor na pangalanan kung sino o saan nanggaling ang nasabing text message na nabanggit ang kaniyang pangalan.

Nakasaad sa nasabing text message ang umano’y panawagan ng alkalde sa lahat ng mga kongresista na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil na set up lamang ang ama nitong si Pangulong Duterte ng mga gahamang miyembro ng gabinete na kaalyado ni Cayetano.

Nag sorry naman si Defensor kay Mayor Sara dahil sa insidente at itinangging nagmula sa isang kongresistang malapit o close sa alkalde nagmula ang naturang text message.

Ang pagkakabanggit aniya ng kongresista ay pagtukoy lamang sa pulong nila ng Party List Coalition kung saan dalawang party list congressmen ang tinalakay ang pagsusulong pa rin ng Duterte Coalition sa kanilang manok sa kabila ng endorsement ng pangulo kay Cayetano.