Rollback sa pasahe sa jeep mas malaki sana kung dumaan sa proseso — Lizada

0
44

Posibleng mas malaki pa ang ipinatupad na rollback sa pasahe sa mga jeepney kung nasunod ang tamang proseso para rito.

Ito ang inihayag ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Atty. Aileen Lizada matapos na ikadismaya ang kanselasyon sa nakatakda sanang pagdinig ng ahensya hinggil sa hirit na ibalik sa P8 ang minimum fare sa jeepney, kahapon.

Ayon kay Lizada, hindi masusing napag-aralan ang ipinatupad na P9 na provisional rollback dahil hindi naman ito dumaan sa tamang proseso at pagdinig ng ahensiya.

Dagdag pa ni Lizada, hindi rin agad naipagbigay alam sa kanya na kanselado na ang nakatakda sanang pagdinig sa petisyon ng isang consumer group hinggil sa rollback sa minimum fare sa jeep.

Kahapon ang huling araw ni Lizada bilang board member ng LTFRB matapos maitalaga at manumpa bilang bagong commissioner ng Civil Service Commission (CSC).