Rice Tarrification Bill lusot na sa huling pagbasa sa Senado

0
52

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa senado ang Senate Bill No. 1998 o Rice Tarrification Bill sa botong labing apat na pabor at walang tumututol.

Ayon kay Senate committee on agriculture chairman Cynthia Villar, tumayong sponsor ng panukala, layunin nito ang mapatatag ang suplay at matugunan ang tumataas na presyo ng bigas.

Sa ilalim nito, aalisin na ang quantitative restriction sa importasyon ng bigas kung saan papayagan na ang mga pribadong kumpanya o traders na mag-angkat ng bigas sa kanilang mapipiling bansa.

Habang nakasaad din dito ang pagbuwag sa National Food Authority (NFA) council na siyang nag-aapruba sa ngayon ng pag-aangkat at nagtatakda ng presyo sa pagbili ng bigas.

Una nang nakalusot sa House of Representatives ang katulad nitong panukalang batas noong Agosto.