QC ‘di muna isasailalim sa quarantine —mayor

0
12

Nilinaw ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi muna niya isasailalim sa quarantine ang lungsod ng Quezon.

Ito ang binigyang diin ni Belmonte matapos niyang isailalim sa state of calamity ang Quezon City dahil sumampa na sa pito (7) ang kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.

Batay sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease, kung mayroong dalawa o higit pang kaso ng COVID-19 sa magkakaibang barangay, dapat magkaroon na ng municipality o city-wide quarantine.

Sinabi ni Belmonte, nais muna niyang hintayin ang ipalalabas na guidelines hinggil sa pagpapatupad ng quarantine sa Metro Manila bago gawin ang naturang deklarasyon.

Dagdag pa ng alkalde, sinasanay nang magsuot ng mga personal protective equipment ang mga tauhan ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).

Sa ngayon, tiniyak naman ni Belmonte na hindi naman mapuputol ang pagpasok ng suplay ng pagkain sa lungsod, ngunit magpapatupad lamang ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng ilang restrictions.