PNP walang natatanggap na mga posibleng banta sa seguridad ni Chinese President Xi Jinping

0
65

Walang natanggap na impormasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa posibleng maging banta sa seguridad sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping ngayong araw.

Sa kabila nito, tiniyak ni PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana na kanilang ibibigay ang 100 porsyento para masigurong magiging maayos, mapayapa at ligtas ang pabisita sa bansa ni Xi.

Ayon kay Durana aabot sa 5,600 mga pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaagapay na rin ang mmda, lokal na pamahalaan ng Maynila at Presidential Security Group (PSG).

Samantala, binigyang diin ni Durana, mahigpit nilang ipatutupad ang no permit no rally partikular sa mga lugar na malapit sa pupuntahan ng Chinese president bagamat kanila pa ring paiiralin ang maximum tolerance sa mga magkakasa ng kilos protesta.

Dagdag ni Durana, iginagalang nila ang kalayaan ng sinuman na maghayag ng saloobin pero ibang usapan aniya kung may mga malalabag sa batas.

Una na nang pinaalalahanan si NCRPO Director Chief Guillermo Eleazar ang mga nagnanais mag-kilos protesta kasabay ng pagbisita ng pangulo ng China.

“So far, wala pong nakita natin approved ng local government unit (LGU) ang mga rally.  Meron naman po tayong freedom park na tinatawag na pwedeng magsagawa ng rally an gating mga kababayan even without permit. Para po sa iba no permit, no rally at tayo po ay nakatutok diyan kaya po nakahanda an gating kapulisan.” Pahayag ni Eleazar.