PNP suportado ang pagsampa ng kaso laban sa Karapatan lawyer

0
55

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong kidnapping at illegal detention laban sa abogado ng grupong Karapatan na si Atty. Katherine Panguban.

Kaugnay ito ng umano’y pagdukot at iligal na pag-detine sa isang menor de edad na sinasabing testigo sa pagpatay sa siyam na magsasaka ng tubo sa Sagay, Negros Occidental noong nakaraang buwan.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, tama lamang ang naging hakbang ng ama ng nabanggit na menor de edad na kasuhan si Atty. Panguban.

Iginiit ni Albayalde, hindi tamang kunin ng hindi naman kaanak ang isang bata at ilayo sa mga magulang.

Aniya, kung hindi man kapiling ng isang menor de edad ang kanyang mga magulang, dapat ay nasa kustodiya man lamang ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Karapatan itinangging dinukot ang batang testigo sa ‘Sagay 9’

Itinanggi ng grupong Karapatan ang akusasyong dinukot nila ang menor de edad na tumatayong testigo sa pag-massacre sa siyam na magsasaka ng tubo sa Sagay City, Negros Occidental

Ayon kay Karapatan Deputy Secretary General Roneo Clamor, sa katunayan ay tinulungan pa ng kanilang grupo at ni Atty. Katherine Panguban ang ina ng testigong si “Lester” para mabawi ang anak mula sa kustodiya ng social welfare office sa Sagay.

Iginiit pa ni Clamor, nasaksihan pa mismo ng ama ni Lester nang kinuha ng kanyang asawa ang kanilang anak noong Oktubre 25.

Aniya, ginagamit lamang ng PNP at ng iba pang law enforcement agency ang ama ng batang testigo para pagtakpan at protektahan ang mga paramilitary at private armed groups ng mga haciendero mula sa pananagutan sa Sagay 9 massacre.

Dagdag ni Clamor, gawa-gawa lamang at walang ligal at matibay na batayan ang kasong isinampa ng ama ni Lester laban sa kanilang abogado na si Atty. Panguban.