LTFRB sinimulan na ang pamamahagi ng bagong fare matrix

0
56

Sinimulan na kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng bagong fare matrix para sa P10 minimum na pasahe sa mga jeep.

Batay sa datos ng LTFRB, umabot sa mahigit 2,300 fare matrices ang kanila nang naipamahagi sa National Capital Region (NCR), region 3 at 4.

Nakapaloob sa fare matrix ang bagong computation para sa pamasahe sa jeepney kasunod ng inaprubahang P2 taas pasahe noong Oktubre.

Kasabay nito, muling binalaan ng LTFRB ang mga tsuper laban sa paniningil ng P10 minimum fare nang wala pang bagong fare matrix dahil maaari silang ireklamo ng overcharging.

Samantala, inanunsyo ng LTFRB na simula ngayong araw ay sa central office na lamang nila gagawin ang pagpoproseso sa pagkuha ng fare matrix para sa Metro Manila sa halip na sa LTFRB-NCR Office dahil sa dami nang dumagsang driver at operators kahapon.