Año pormal nang nanumpa bilang DILG secretary

0
64

Pormal nang nanumpa si retired General Eduardo Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), ilang buwan matapos magsilbing officer in charge ng kagawaran.

Isinagawa ang panunumpa sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang kung saan kasama ni Año ang kanyang buong pamilya.

Magugunitang itinalaga ni Pangulong Duterte si Año bilang OIC ng DILG noong Enero ng kasalukuyang taon kapalit ni Catalino Cuy.

Gayunman, hindi agad inilagay bilang kalihim ng DILG si Año dahil ipinagbabawal ito sa ilalim ng DILG Act of 1990 kung saan hindi maaaring italaga ang isang retirado o nagbitiw na opisyal ng militar o pulis sa loob ng isang taon matapos itong magretiro o magbitiw.

Kasabay nito, nanumpa na rin kahapon kay Pangulong Duterte si Davao City 1st District Representative Karlo Nograles bilang bagong cabinet secretary kapalit ni Leoncio Jun Evasco na naghain naman ng kandidatura para sa pagka-gobernador ng Bohol.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, itinalaga ni Pangulong Duterte si Nograles sa posisyon dahil buo aniya ang tiwala at kumpiyansa nito sa opisyal.