PNP nilinaw na isang security concern ang mga kaso ng pananambang sa mga pulitiko habang papalapit na ang halalan

0
47

Itinuturing pa ring security concern ng pambansang pulisya ang mga naitatalang kaso ng pagkasawi o pagkasugat ng mga Pulitiko dahil sa pananambang.

Ito’y ayon kay PNP Spokesman CSupt. Benigno Durana ay batay sa isinagawang pagpupulong ng Special Task Force 2019 Mid-Term Elections nitong Nobyembre 7.

Mula sa kabuuang 18 kaso ng mga nasawi at nasugatang mga pulitiko, 5 rito ang alkalde, 4 na gobernador, isang kongresista, 4 na barangay chairmen, 3 vice mayor at isang barangay councillor.

Sa Region 7 nagmumula ang pinakamaraming bilang ng mga alkaldeng nasasawi matapos na mabiktima ng pananambang.

Ayon kay Durana, mula iyan sa buwan ng Enero hanggang Nobyembre ng taong ito o 6 na buwan bago ang 2019 Mid-Term Elections.

Bagama’t itinuturing na trend o nakagawian na sa tuwing sumasapit ang halalan, hindi pa rin ito ikina-a-alarma ng PNP subalit kinokonsidera nila itong security concern lalo’t tumataas aniya ang insidente ng pagpatay sa mga pulitiko habang papalapit ng papalapit ang halalan.

Kaya naman puspusan ang ginagawang mga paghahanda ngayon ng PNP para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang gagawing midterm election sa susunod na taon.