Kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pagpatay sa human rights lawyer na humahawak ng kaso pagmasaker sa siyam na magsasaka ng tubo sa Sagay City, Negros Occidental.
Ayon kay Western Visayas Regional Police Director Chief Supt. John Bulalacao, kanya nang ipinag-utos ang malalimang imbestigasyon sa kaso ng pagpaslang kay Atty. Benjamin Ramos Jr.
Tiniyak din ni Bulalacao sa pamilya ni Ramos na kanilang gagawin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang nangyaring pagpatay sa human rights law at agad na pagkakaaresto sa mga salarin.
Kabilang sa tinitignang motibo ng pulisya sa pagpaslang ang mga hinahawakang kaso ni Ramos gayundin ang mga natatanggap na umano nitong death threats.
Iba’t-ibang grupo kinondena ang pagpatay sa NUPL secretary general
Mariing kinondena ng iba’t-ibang grupo ang nanyaring pagpatay sa huma righnts lawyer na si Atty. Benjamin Ramos Jr. na siya ring tumatayong abogado ng siyam na magsasaka ng tubo na minasaker sa Sagay City, Negros Occidental.
Kahapon, nagtipon tipon sa harapan ng dating city hall ng Bacolod ang iba’t-ibang grupo para ipanawagan ang hustisiya para kay Ramos.
Ayon kay Karapatan-Negros Secretary General Clarizza Dagatan, batay sa resulta ng kanilang fact finding investigation, may kinalaman umano sa pagpaslang sa abogado ang death squad ng militar.
Sinabi naman ni Paghidaet sa kauswagan group member Felipe Gelle, patunay ang insidente na may humaharang sa pagsusulong ng karapatang pantao sa bansa.
Una nang kinondena ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) ang pagpatay sa kanilang kasamahan na si Ramos.
Ayon kay NUPL president Atty. Edre Olalia, galit ang kanilang nararamdaman sa pangyayari lalu’t kilala si Ramos na tumutulong ng libre sa mga naghahanap ng hustisiya.
Kasabay nito, pinuna rin ni Olalia ang pagkakasama kamakailan ni Ramos sa poster ng pnp ng mga sinasabing personalidad ng underground armed movement.
Si Ramos na aniya ang ika-tatlumpot tatlong abogadong napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte at ika-walo sa Visayas.