NBI iimbestigahan ang pagpatay sa abogadong may hawak sa ‘Sagay 9’ case

0
50

Pasok na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon ng pagpatay sa human rights lawyer na si Benjamin Ramos sa Kabankalan, Negros Occidental.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, agad niyang pinakilos ang NBI para magsagawa ng sariling imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Ramos matapos na makaabot sa kanya ang ulat.

Sinasabing nakikipagkuwentuhan lamang si Ramos sa harap ng isang tindahan habang nagpapahinga sa trabaho nang biglang lapitan ng nakamotorsiklong mga salarin at pagbabarilin.

Tatlong tama ng bala ang tinamo ni Ramos na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Si Ramos ang tumatayong secretary general ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at humahawak ng mga pro bono cases kabilang ang kaso ng pagpatay sa siyam na magsasaka ng tubo sa Sagay City.