Davao City – Isinasagawa ng Department of Science and Technology (DOST) ang inagurasyon sa pinaka-unang cluster facility ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Mindanao Cluster Monitoring Center for Earthquake and Tsunami (PMCMCET) na nasa compound ng Philippine Science High School (PSHS) Southern Mindanao Campus na matatagpuan sa Barangay Sto. Nino, Tugbok district dito sa lungsod ng dabaw.
Inihayag ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang nasabing pasilidad ay siya’ng magpapalakas pa ng earthquake detection capability ng bansa kung saan mahalaga din na ma-detect kahit pa ang small earthquake events na possible ding hahantong sa large tremors.
Magagamit din ang facility center bilang back-up kung sakali mang magka-problema ang Phivolcs Data Receiving Center ng main office nito sa Quezon City. Dagdag pa ni Solidum na mas mabuting magtayo ng dagdag na earthquake detection facility sa ibang bahagi ng bansa para masiguro ang patuloy na pagseserbisyo lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa ginanap na virtual inauguration, pinapasalamatan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang PHIVOLCS sa patuloy nitong pagsisikap upang mapaikli ang mga disaster risks ng mga komunidad. Ayon naman kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Pena na mas magiging mabilis na ang pagpapalabas ng mga impormasyon dahil sa pagtatag ng PMCMCET.
(Source: Philippine News Agency, photo courtesy of DOST-PHIVOLCS)