Patunay ng bakuna kontra polio inobliga ng 19 bansa sa mga biyahero

0
16

Sumampa na sa 19 na bansa ang nag-oobliga sa mga biyahero na magkaroon ng certificate ng bakuna laban sa sakit na polio.

Ito ay batay sa abiso ng Bureau of Quarantine o BOQ kung saan nakasaad na kailangang apat na buwan bago ang petsa ng biyahe ay nakapag bakuna na laban sa polio.

Kabilang sa mga bansang nanghihingi ng international certificate of vaccination ang: Afghanistan, Belize, Brunei, Georgia, India, Indonesia, Iran, Iraq, Jordan, Lebanon, Maldives, Morocco, Oman, Pakistan, Qatar,  Saint Kitts and Nevis, Saudi Arabia, Seychelles at Ukraine.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni BOQ Doctor Noreen Balingbing Espero ang publiko na ang requirement na ito ay para na rin sa kaligtasan ng indibidwal na papasok sa mga naturang lugar.

Samantala, pinayuhan naman ni Espero na aabot lamang sa 300 piso ang international polio certificate.

Matatandaang nito lamang Miyerkules, November 6 nang maitala ang ika-apat na kaso ng polio sa bansa kung saan nito lamang Setyembre nang idineklara ang outbreak ng polio sa Pilipinas matapos ang halos dalawang dekada.