Panibagong kaso ng hazing sa PNP naitala sa Cavite

0
56

Inireklamo ng dalawang bagitong pulis na kapwa may ranggong PO1 ang kanilang senior officer na may ranggo namang superintendent sa National Police Commission (NAPOLCOM) dahil sa panibagong kaso ng hazing.

Ayon kay Cavite Provincial Police Office Chief Senior Supt. William Segun, nangyari ang insidente noong agosto a-bente otso sa loob ng Cavite Provincial Mobile Force Company sa Kampo Francisco Ferma sa Tagaytay City sa Cavite.

Batay aniya sa salaysay ng dalawang bagitong pulis, ipinatawag sila ng kanilang senior officer para pagpaliwanagin matapos na mabigong sumipot sa naunang pulong na ipinatawag nito.

Nagulat na lamang umano ang dalawa nang bigla na silang parusahan ng kanilang senior officer kung saan pinaghahampas umano sila ng baseball bat na nagresulta ng mga pasa at sugat sa kanilang katawan.

Magugunitang, kamakailan lang ay kinondena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naitalang kaso ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) kung saan ipinag-utos niya ang dismissal ng tatlong kadete na nagutos ng kahalayan sa dalawang plebo.

(with report from Jaymark Dagala)