Pangilinan muling binuhay ang panukala niyang mandatory autopsy sa mga biktima umano ng EJK

0
54

Muling binuhay ni Senador Francis Pangilinan ang una niyang panukala noong 2017 na isailalim sa mandatory autopsy ang labi ng mga biktima umano ng Extra – Judicial Killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs.

Layon nito aniya na makatulong sa ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa dumarami pang bilang ng mga napapatay dahil sa aniya’y huwad na kampaniya kontra droga ng administrasyon.

Ginawa ni Pangilinan ang nasabing pahayag kasunod ng paggunita sa ikalawang anibersaryo ng kamatayan ni Kian Delos Santos matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Caloocan City.

Sakaling makalusot, sinabi ni Pangilinan na obligado na ang pamahalaan na isailalim sa autopsy ang labi ng mga nasawi kahit tumutol pa ang pamilya nito.