Palasyo walang nakikitang mali sa higit P300-M pondong inilaan ng PhilHealth para sa COVID-19 patients sa SPMC

0
16

Agad na dinipensahan ng MalacaƱang ang bayad na natanggap ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) mula sa PhilHealth.

Ito ay matapos na matuklasan sa pagdinig ng Senado hinggil sa anomalyang kinasasangkutan ng PhilHealth na nakatanggap ang SPMC ng nasa P326-million para sa pagpapagamot ng mga COVID-19 patients.

Ang SPMC kasi ang may pinakamalaking halagang natanggap sa lahat ng ospital sa bansa mula sa PhilHealth sa ilalim na rin ng interim reimbursement mechanism (IRM).

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, wala silang nakikitang iregularidad sa alokasyong ibinigay ng PhilHealth para sa SPMC sa pamamagitan ng IRM.

Sinabi pa ni Roque, batay aniya sa datos ng Department of Health, ang SPMC ang pinakamalaking pampublikong ospital sa bansa kung saan nasa 1,500 ang beds nito, at nasa 3,600 naman ang kanilang personnel.