Pagsusuot ng face shields gagawin nang mandatory sa mga bibyahe sa public transport

0
24

Inatasan na ni Transportation undersecretary for administrative service Artemio Tuazon Jr. ang lahat ng opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na istriktong ipatupad ang mandatory na pagsusuot ng face shields sa lahat ng bibyahe sa pampublikong transportasyon simula sa ika-15 ng Agosto.

Nilinaw naman ng DOTr na ang paggamit ng face shields ay bukod pa sa iba pang health protocols gaya ng paggamit ng face masks at pag-obserba ng physical distancing.

Nakapaloob rin sa memorandum ng DOTr na ipapatupad na simula ngayong Biyernes, ika-7 ng Agosto, ang mandatory na pagsusuot ng face shields sa lahat ng bibyahe sa pamamagitan ng dagat.

Samantala, sa hiwalay naman na memo na ililabas ng Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority, Cebu Port Authority, at Philippine Coast Guard (PCG), mahigpit na nitong ipapatupad ang “no face shield, no ride policy” epektibo ngayong Biyernes, ika-7 ng Agosto.