Pagkontrol sa social media ‘di nakapaloob sa probisyon sa anti-terror law —Palasyo

0
16

Nilinaw ng Malacañang na walang nakapaloob na probisyon sa anti-terror law na pagkokontrol sa social media.

Ang paglilinaw ay kasunod ng naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na isama sa implementing rules and regulations (IRR) ng naturang batas ang pagre-regulate sa social media.

Naniniwala kasi si Gapay na ginagamit ng mga terorista ang social media para sa kanilang mga ilegal na gawain.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, opinyon lamang ito ni Gapay at walang probisyon ang anti-terror law na magagamit para i-regulate ang social media.

Dagdag pa nito, ang cybercrime law ang may probisyon kaugnay sa social media ngunit kailangan pa rin umanong dumaan sa hukuman.