Pagsisilbi ng search warrant sa Laguna nauwi sa madugong engkuwentro

0
53

Tatlo ang patay habang dalawa ang arestado sa isinagawang operasyon ng Laguna Provincial Police Office na nauwi sa engkuwentro kahapon ng 7:00 ng umaga.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng Police Regional Office 4-a sa DWIZ, nangyari ang ikinasang operasyon sa Alvero Compound, Barangay San Ignacio sa San Pablo City.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Christopher Alain Alvero habang kasalukuyang tinutukoy pa rin ang pagkakakilanlan ng dalawa pa na idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Habang ang mga naaresto naman ang dalawang iba pa na sina Joy Alvero at Enrico Eric Suasi na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possesion of Firearms and Ammunitions.

Sinasabing magsisilbi lamang ng search warrant ang pulisya sa naturang lugar nang paputukan sila ng mga suspek dahilan para mauwi iyon sa madugong engkuwentro.

Pang-walo sa mga tinatawag na HYT o High Value Target si Alain Alvero na nasa likod ng sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa lugar at kilala ring suplayer ng iligal na droga sa lungsod.