Inatasan na ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang Bureau of Corrections (BuCor) na ipatupad na ang dismissal order ng Ombudsman laban sa tatlong opisyal ng BuCor.
Ito ay kaugnay nang pagpapasibak ng Ombudsman sa tatlong opisyal ng BuCor dahil sa kontrobersiyal na pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Batay sa inilabas na petisyon ni Ombudsman Samuel Martires, lumabas na guilty of grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service sina BuCor inmate documents section chief Ramoncito Roque, senior insp. Maria Belinda Bansil at corrections officer Veronica Bustamante Bunio.
Dahil dito, wala nang makukuhang retirement benefits ang tatlong nabanggit na BuCor officials at hindi na rin sila maaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon kay Guevarra, dapat magsilbi itong babala sa lahat ng opisyal ng gobyerno na hindi dapat nila nilalabag ang bata at integridad ng kanilang pinagsisilbihang ahensiya.
Sinabi pa ng kalihim na sinasangayunan niya ang naging desisyon ng Ombudsman dahil na rin sa pagdinig ng senado sa isyu ng GCTA.
Matatandaang una nang pinatawan ng anim na buwang suspensiyon ang tatlong opisyal dahil pa rin sa pagkakadawit ng mga ito sa kontrobersiyal na GCTA.