Sang-ayon ang lahat ng mga Alkalde sa Metro Manila na panatilihin sa general community quarantine (GCQ) ang kalakhang Maynila sa susunod pang 30 araw o isang buwan.
Kasunod na rin ito nang pagtatapos ngayong araw na ito nang ipinatutupad na GCQ sa Metro Manila.
Ayon kay Parañaque City Mayor at MMC Chairman Edwin Olivarez nagsagawa sila ng pulong kagabi kung saan dumalo rin ang anim na miyembro ng IATF at isinulong nilang manatili sa GCQ ang kalakhang Maynila para mabalensa na rin ang usaping pang kalusugan at pang ekonomiya ngayong mayroon pang pandemya.
Kaugnay sa pagbubukas ng mas marami pang industriya sinabi ni Olivarez na pinag-aaralan nilang magpatupad ng mas maikling curfew o mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng madaling araw.
Ikakasa pa rin aniya ang localized o granular lockdowns sa mga lugar sa metro manila na nakapagtatala ng mataas na kaso ng COVID-19.
Inaasahang iaanunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte mamayang gabi ang bagong quarantine status ng Metro Manila at iba pang lalawigan simula bukas, September 1.
Una na ring inirekomenda ng UP-OCTA research team na i-extend ang pagsailalim sa Metro Manila sa GCQ simula bukas.