Ikinakasa na ng Department of Justice ang paglikha ng isang special task force na mag-iimbestiga sa mga indibidwal na posibleng may kaugnayan sa “lawless o terrorist acts” sa ilang lugar kung saan idineploy ang mga tropa ng gobyerno.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra isang araw matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ng karagdagang mga sundalo sa Bicol, Samar at Negros provinces kontra “lawless violence.”
Ayon kay Guevarra, inatasan sila sa DOJ na imbestigahan at litisin ang sinumang mahuhuling indibidwal na posibleng may kaugnayan sa nasabing karahasan.
Kung magpapatuloy naman anya ang lawless violence ay ikukunsidera na ng kagawaran ang paglikha ng isang special task force.
Sa ilalim ng Memorandum Order 32 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ipinadala ang mga karagdagang tropa sa Bicol, Samar at Negros dahil sa mga insidente ng karahasan gaya ng barilan.