Pagkaka aresto kay Ladlad makapagpapalakas pa sa localized peacetalks — PNP

0
39

Kumpiyansa ang pamunuan ng PNP o Philippine National Police na mas titibay pa ang isinusulong na localized peacetalks ng pamahalaan sa mga rebelde na nasa kanayunan.

Iyan ang binigyang diin ni PCP Chief D/Gen. Oscar Albayalde makaraang malambat ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang NDFP leader na si Vicente Ladlad alyas Eduardo Reyes at ang mag asawang Alberto at Virginia Villamor.

Ayon kay Albayalde, pinatunayan lamang nito na hindi sinsero ang mga nasa central committee ng CPP-NPA-NDF sa isinusulong na peacetalks dahil sa naka umang pa rin ang mga armas nito para makipaglaban sa puwersa ng pamahalaan.

Naniniwala rin ang PNP chief na maiisip din ng mga rebelde na matutulad din sila sa sinapit ni Ladlad kaya’t mas nanaisin nilang magbalik loob na lamang at doon na matatamo ang matagal nang inaasam na kapayapaan.

Magugunitang naaresto si Ladlad kahapon sa Novaliches, Quezon City sa bisa ng isang search warrant mula sa korte kung saan nakuha mula sa kanya ang matataas na kalibre ng armas.

Isa rin si Ladlad sa itinuturong nasa likod ng malagim na pag massacre sa mahigit 100 sa Inopacan, Leyte noong 2006 kung saan aabot sa mahigit 40 bangkay ang nahukay ng mga awtoridad.