Inalmahan ni San Pablo, Laguna Bishop Buenaventura Famadico ang pagdawit ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte kay Bishop Emeritus Leo Drona sa umano’y ouster plot kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Famadico, masyado ng matanda at may sakit pa ang kanilang dating obispo upang pangunahan ang anumang destabilisasyon laban sa Duterte administration.
Kahit hindi pa sumasapit sa mandatory retirement age ng mga pari na 75-year-old, nag-resign si Drona bilang obispo ng Diocese of San Pablo noong enero 2013 bunsod ng kanyang sakit.
Mahina na aniya ang paningin ng retiradong obispo dahil sa macular degeneration at naka-wheelchair na lamang habang nasa retirement house sa Don Bosco sa Canlubang, Calamba, Laguna.
Umaasa naman si Famadico na lalabas ang katotohanan upang malinis ang pangalan ng kanilang dating obispo.
Kabilang din sa listahan ng nakababatang Duterte ng mga nagbabalak umanong magpatalsik sa kanyang ama sa pwesto ay sina Vice President Leni Robredo; mamamahayag na sina Maria Ressa, Ellen Tordesillas at Ed Lingao.