Pagbuhay sa Alsa Masa Vigilante Group itinanggi ng PNP

0
45

Sinisimulan na ng PNP o Philippine National Police ang pagpapalawig ng ugnayan sa pagitan nila at ng mga komunidad.

Ito’y ayon kay PNP Spokesman CSupt. Benigno Durana makaraang pabulaanan nito na hango sa konsepto ng kontrobersyal na Alsa Masa noong dekada 80’ ang binubuo nilang Regional Advisory Council sa kasalukuyan.

Ayon kay Durana, magsisilbi lamang aniya itong Force Multiplier ang naturang lupon na tutulong sa kanila na matukoy gayundin na labanan ang krimen at iligal na droga.

Binigyang diin pa ng opisyal na hindi armado ang naturang grupo sa paniniwalang hindi armas ang makatutugon para labanan ang krimen at iligal na droga na siyang kadalasang nagiging sanhi ng karahasan sa mga operasyon ng pulisya.

Sa huli, ang taumbayan pa rin aniya ang susi sa pagtatamo ng kaayusan at kapayapaan sa isang komunidad dahil sila ang nakakikilala sa bawat isa.